NIYANIG ng magnitude 5.1 earthquake ang lalawigan ng Leyte kamakalawa ng gabi na sinasabing ikinasugat ng walong katao ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Sa datos ng Phivolcs, naramdaman ang lindol bandang alas 8:00 nitong Linggo ng gabi at naitala ang sentro ng tectonic earthquake sa lalim na isang kilometro, sa munisipalidad ng Leyte.
Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa Leyte MDRRMO may walong reported injured o nasugatan bunsod ng mga nagbagsakang o mga natumbang bagay sa kasagsagan ng pag uga .
Sa isinagawang assessment ng MDRRMO, nakitang nagkaroon ng mahabang bitak ang kalsada sa bahagi ng Barangay Ugbon. Habang may bitak rin sa dingding ng barangay hall sa Barangay Consuegra.
Bumagsak naman ang ilang bahagi ng fiber cement board na kisame ng isang simbahan. Nasira rin ang isang poste nito. Pati imahe ng Sto. Niño, nahulog sa pagyanig.
Bunsod ng ilang segundong pagyanig ay naglabasan sa kani-kanilang mga bahay ang mga tao dahil sa takot sa malakas na pag uga na nararamdaman.
Sinasabing nagkaroon din ng rockslide sa Barangay Palid 1. May mga bumigay ring bahagi ng kongkretong dingding sa Barangay Belen at Barangay Libas.
Dahil ditto , suspendido ang klase ng mga estudyante sa lahat ng antas at pasok sa trabaho nitong Lunes para bigyan daan ang assessment sa buong bayan, ayon sa MDRRMO.
Ayon sa Phivolcs, maaaring magkaroon ng aftershocks ang lindol na nakapag rehistro din ng Intensity III sa Alangalang, Carigara, Babatngon, Barugo, Tacloban City, at Ormoc City, Leyte.
Naitala din ang Instrumental Intensity IV sa Carigara, Leyte; Intensity III sa Alangalang at Ormoc City, Leyte; Intensity II sa Calubian, Albuera, Leyte at Intensity I sa Borongan City, Eastern Samar at Bogo City, Cebu. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














