Si MHD chief Dr. Grace Padilla na nagbalitang 'activated' na ang leptospirosis ward sa Sta. Ana Hospital.

LEPTOSPIROSIS WARD SA STA. ANA HOSPITAL, ACTIVATED NA — MHD CHIEF DR. PADILLA

By: Jerry S. Tan

GUMAGANA nang muli ang isang ward sa Sta. Ana Hospital sa ika-anim na distrito ng Maynila para humawak ng leptospirosis cases lamang.

Ito ang inihayag ni Manila Health Department chief Dr. Grace Padilla, kasunod ng pagsirit ng bilang ng mga nagkakaroon ng leptospirosis at namamatay dahil dito.


Batay sa huling talaan ng lungsod, sinabi ni Padilla na umabot na sa 18 katao ang nasawi dahil sa leptospirosis, habang maraming iba pa ang naka- confine nang may severe symptoms kung saan ang ilan sa kanila ay kinakaiangan nang magpa-dialysis.

Ikinalungkot ni Padilla na karamihan sa mga pasyente na nagpupunta sa ospital para magpagamot ay nasa malalang estado na bago magpatingin.

Kaugnay niyan ay pinayuhan ni Padilla ang mga taga-lungsod na iwasan ang paglusong sa baha at kung wala naman silang magagawa kundi lumusong, marapat na sila ay agad na magtungo sa mga health centers upang mabigyan sila ng prophylaxis at makaiwas na mapabilang lamang sa bilang ng leptospirosis cases.


Tiniyak ni Padilla na ang prophylaxis ay ibinibigay nang libre lamang at aniya, ang mga lumulusong sa baha ay dapat na uminom nito, lalo na kung sila ay may sugat sa paa.

Samantala, inihayag din ni Padilla na ang Ospital ng Maynila (OM) emergency room ay lagpas na sa itinakdang kapasidad nito, lalupa’t umabot sa 140 leptospirosis cases ang tinanggap doon kamakailan.


Humihingi umano ng pang-unawa ang pamunuan ng OM dahil ang bed capacity doon ay limitado lamang.

Gayunman, kung gugustuhin ng pasyente ay maari naman silang ilipat sa ibang ospital sa lungsod sa pamamagitan ng referral na magmumula sa OM, sa halip na maghintay ng mababakanteng kama o kuwarto.


Tags: MHD chief Dr. Grace Padilla

You May Also Like

Most Read