Leptospirosis ngayong tag-ulan, ibinabala ng DOH

Kasabay ng mga nararanasang pag-uulan at pagbaha na dulot nito, nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa mga sakit na pwedeng makuha tulad ng leptospirosis.

“Ang Leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha natin mula sa mga hayop. Ang bacteria ay madaling kumalat sa tubig baha at makahawa sa mga sugat o mga sugat sa balat,” ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.


“Panatilihin po nating malinis ang ating kapaligiran, partikular na ang imbakan ng basura dahil dito po madalas naninirahan ang mga daga na may dalang leptospirosis,” paalala ni Vergeire na isa sa mabisang panlaban sa nasabing virus na nakukuha sa ihi at dumi ng daga.

“Para naman sa ating mga tahanan, puksain po natin ang mga daga sa paggamit ng mga rat traps at poison,” suhestyon ng DOH OIC.

“Iwasan po nating lumusong, maglaro, o lumangoy sa tubig-baha, lalong lalo na kung tayo ay may sugat, at kung hindi naman ito maiiwasan, magsuot po tayo ng bota at kung wala talaga, agaran po tayong maligo at maglinis ng paa at iba pang bahagi ng katawan na lumubog sa tubig-baha,” paalala pa ng kalihim.


Pinayuhan din ni Vergeire ang publiko na humingi ng tulong medikal kung makaranas sila ng sintomas ng leptospirosis.

“Kung sakali po na magkakaroon kayo ng sintomas ng leptospirosis sa loob ng dalawang araw na kagaya ng lagnat, pananakit ng ulo at kalamnan, paninilaw ng balat at mata, at iba pa, agaran po tayong tumungo sa ating health center at magpa check up,” sabi niya.


“Iinom din kayo, bibigyan kayo ng antibiotics na nireseta na gamot ng inyong doktor para magkaroon kayo ng prophylaxis.”

Nakapagtala na ang DOH ng kabuuang 1,178 kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hulyo 23. Mas mataas ito ng 27 porsiyento kumpara sa 928 na kaso noong kaparehong panahon noong nakaraang taon. Samantala, nakapagtala din ang DOH ng 156 na pagkamatay dahil sa leptospirosis.


Tags: DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire

You May Also Like

Most Read