DAHIL marami pang lubog na lugar na hindi nararating ng mga search and rescue team matapos ang pananalasa ng severe tropical storm Kristine ay pinangangambahang lolobo pa ang naitalang death toll na nasa 46 na, habang may 20 iba pa ang idineklarang nawawala, bukod sa mga sugatan .
Sa initial situational report na ibinahagi kahapon ng Office of Civil Defense, nasa 46 katao na ang sinasabing nasawi sanhi ng pagkalunod at landslides o nabagsakan ng mabigat na bagay.
Pinakamaraming naitalang casualties sa Bicol region na may 28 ang bilang ng namatay habang 15 naman ang total deaths sa CALABARZON areas.
Kaugnay sa malubhang epekto ng kalamidad sa maraming lugar ay ipinag-utos kahapon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marco, Jr., sa buong Armed Forces of the Philippines na pakilusin ang lahat ng kanilang asset.
“All personnel leaves, except for medical reasons and those with humanitarian justifications, in the uniformed services, are deemed cancelled,” ipinag-utos ni PBBM.
Lahat ng kasapi ng AFP at PNP medical corps ay sasama din umano sa relief effort bilang mga frontline personnel.
Maging ang iba pang uniformed agencies gaya ng PNP, BFP at Philippine Coast Guard ay inilagay sa ilalim ng nasabing direktiba.
“I have ordered them to deploy vehicles, aircraft, boats, ships and all other transportation assets for, first rescue, and then relief and rehabilitation.Kabilang sa mga minobilisa ang mga presidential helicopters,” anang Pangulo.