Mananatili pa rin si Atty. John Rex Laudiangco bilang acting spokesperson ng Commission on Elections (Comelec).
Ito’y sa bisa ng memorandum order na nilagdaan ni newly-appointed Comelec chairman George Erwin Garcia nitong Miyerkules.
“You are to retain your designation as Acting Spokesperson of this Commission effective immediately. In the exercise of your duties, you shall report directly to the undersigned,” bahagi ng naturang memorandum.
Matatandaang si Laudiangco ay nagsilbing tagapagsalita ng Comelec noong panahon ng pamumuno ni dating Comelec chief Saidamen Pangarungan.
Si Pangarungan ay itinalaga sa posisyon ni dating Pang. Rodrigo Duterte noong Marso 9, ngunit ang kanyang nominasyon ay na- bypassed ng bicameral Commission on Appointments noong Hunyo.
Kasama niyang na-bypassed noon ng makapangyarihang CA ang nominasyon ni Garcia, na malaunan ay itinalaga naman ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., bilang Comelec chairman noong Lunes lamang. (Jaymel Manuel)