Mananatili pa ring tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) si Law Department Director John Rex Laudiangco.
Sa isang memorandum na may petsang Hunyo 10, ngunit isinapubliko lamang nitong Lunes, Hunyo 13, nabatid na inabisuhan ni Acting Comelec chairperson Socorro Inting si Laudiangco na siya pa rin ang mananatiling acting spokesperson ng poll body hanggang sa maupo na ang bagong chairman ng komisyon.
“Please be advised that you shall continue to be the Acting Spokesperson of the Commission until the assumption of the new Chairman,” anang memorandum, na pirmado ni Inting.
Matatandaang si Laudiangco ay nagsimulang maging acting spokesperson ng Comelec sa panahon ng panunungkulan ni dating Comelec chief Saidamen Pangarungan.
Si Pangarungan ay itinalaga ni Pang. Rodrigo Duterte noong Marso 9, ngunit ang kanyang appointment at ng apat na iba pang opisyal, ay na-bypassed ng bicameral Commission on Appointments (CA) noong nakaraang linggo.
Bilang pinaka-senior sa mga Comelec commissioners, nanungkulan naman si Inting bilang acting poll chairperson, habang wala pang hinihirang na bagong Comelec chairman. (Baby Cuevas)














