Ginulantang ng malakas na pagsabog ang mga residente sa paligid ng Lamitan City Hall sa Basilan kamakalawa ng gabi bunga ng isang pagsabog doon.
Kasalukuyang iniimbestigahan ngayon ng Basilan-PNP at military ang naganap na pagsabog ng hinihinalang improvised explosive device na inilagay ng mga hindi pa nakikilalang suspek o grupo.
Naganap ang pagsabog bandang alas- 6 ng gabi sa labas lamang ng city hall at batay sa inisyal na ulat, wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa nasabing pagsabog, maliban sa pagkasira ng tubo ng tubig at pader sa blast site.
Agad na nagtatag ng mga checkpoints at karagdagang uniformed personnel sa area habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang responsable sa panggugulo .
Magugunitang noong Mayo 30 ay isang pagsabog ang naganap din sa garahe ng isang bus company na ikinasugat ng tatlong katao. (Victor Baldemor)