Nasawi ang isang 35- anyos na lalaki matapos na makuryente nang umakyat sa poste at tangkaing ayusin ang nagkaproblemang jumper ng kuryente na nakakabit sa kanilang bahay,kahapon ng madaling araw sa 11th Street,Delgado, Roberto Oca ,Port Area, Maynila.
Sa imbestigasyon no PCpl Charles Benzon dela Torreng Manila Police District-homicide section, nakilala ang biktimang si Arwin Cabugayan, residente sa nabanggit na lugar.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Rica delos Santos,30,naganap umano ang insidente alas- 4 ng madaling araw.
Sinabi ni Delos Santos na nawalan umano ng kuryente sa kanilang bahay dahilan para umakyat sa poste ang biktima para ayusin ang problema.
Ilang minuto pa ay nakarinig si Delos Santos ng malakas na kalabog at nang tingnan ay nakita niya si Cabugayan na nakahandusay at walang malay.
Isinugod ang biktima sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) pero idineklarang dead-on-arrival.














