ISANG lalaking pasahero ng barko ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Ports Authority matapos na mahulihan ng ilang ipinagbabawal na armas habang nasa Passenger Terminal Building ng ahensya sa Ormoc City at patungo sana sa lalawigan ng Cebu.
Sa ulat na ibinahagi ni Ms Eunice Samonte, Spokesperson and Corporate Communication Director ng Philippine Ports Authority- Corporate Affair ay kinilala a ang pasahero na si Raymund Villanueva Y Bucatcat.
Kabilang sa mga nakuhang armas kay Bucatcat ang isang improvised pistol, dalawang rounds ng caliber 7.62 live ammunitions, at apat na rounds ng caliber .45mm live ammunitions.
Sinabi pa ni Samonte na nadiskubre ang mga prohibited item na ito sa gamit na pag-aari mismo ni Bucatcat.
Nabigo rin itong magpakita ng mga kinakailangang dokumento ng kanyang mga armas dahilan upang maharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law.
Agad na nai-turnover si Bucatcat sa Philippine National Police ng Ormoc City Police Office kasama ang kanyang mga personal na gamit para sa proper documentation.