Latest News

Lalaking natutulog sa center island ng tulay, pisak ang mukha sa truck

Hindi na nagising sa pagkakahimbing ang isang lalaki nang masagasaan ng isang nagka-aberyang trailer truck habang natutulog sa center island kahapon ng madaling araw sa Delpan Bridge sa Binondo, Maynila.

Namatay noon din ang di pa nakikilalang biktima na inilarawan lamang na nakasuot ng asul na t-shirt at maong na shorts.


Arestado naman ang driver na si Jesus Operio Jr., ng 291 Kawit St., Balut, Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni PCpl John Ceazar Ancheta ng Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), ala-1 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa paakyat na bahagi ng southbound lane ng Delpan Bridge, sa Binondo.

Nabatid n minamaneho ni Operio ang isang tractor head (AWA 4868) na may trailer (AUD 245) at binabagtas ang naturang lugar, nang pagsapit sa paakyat na bahagi ng tulay ay biglang nagkaaberya ang sasakyan.


Sinabi ni Operio na nawalan siya ng kontrol sa truck na lumiko pakaliwa hanggang sa magulungan ng kaliwang gulong nito ang ulo ng biktima, na noon ay nakahiga at natutulog sa center island ng tulay.

Huminto lamang ang pag-andar ng truck nang bumangga na ito sa konkretong harang ng tulay.


Sasampahan ng ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa Manila Prosecutors Office ang suspek. (Philip Reyes)


Tags: Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)

You May Also Like