Arestado sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard -Manila ang isang lalaking nagpanggap bilang opisyal mula sa Office of the President (OP) at tinangkang mag-alok ng military equipment sa isang entrapment operation,kahapon.
Patuloy na iniimbestigahan sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang suspek na di muna pinangalan.
Ang suspek ay naaresto mismo sa tanggapan ng PCG-Manila matapos nitong kausapin ang isang opisyal ng PCG at inalok ng mga military equipment.
Lingid sa kaalaman ng suspek ay bineripika kung konektado ito sa Office of the Deputy Executive Secretary for Finance and Administration ng Malacañang, pero Itinanggi siya bilang konektado sa OP.
Kaugnay nito, sinabi ni P Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, direktor ng NCRPO, na modus ng grupo ng suspek na magpakilalang taga-gobyerno na kayang mapabilis ang transaksyon ng mga kompanyang kunwari ay kinakatawan nila.
Sinabi ng NCRPO, na kung hindi naagapan, posibleng mauwi sa pirmahan ang transaksiyon at makatangay ng milyon-milyong piso mula sa kaban ng bayan ang grupo.
Kasong usurpation of authority ang isasampa laban sa suspek sa Manila Prosecutor’s Office.