Nasawi ang isang isang lalaki matapos na maatrasan ng isang sasakyan habang naglalakad lamang kahapon ng umaga sa harap ng isang bahay sa 1659 Florentino St.,near corner Don Quijote St., Brgy. 478 Zone 47, Sampaloc, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Angelito Vicencio, nasa edad 55-60 at residente ng 1030 Don Quijote St., Brgy. 478 Zone 47, Sampaloc, Maynila.
Nakilala naman sa pamamagitan ng CCTV ang suspek na si Rafael R Vera Cruz, nasa hustong edad at taga 1659 Florentino St., Brgy. 478 Zone 47, Sampaloc, Maynila.
Sa paunang ulat ng Manila Police District -Police Station 4, alas-6:40 ng umaga nang madiskubre ng isang concerned citizen ang biktima na nakabulagta mismo sa harap ng garahe ng suspek at wala nang buhay, kaya’t kaagad niya itong ipinagbigay-alam sa pulisya.
Nakita umano sa CCTV na alas- 5:07 ng umaga nang maatrasan ng suspek ang biktima ng minamaneho nitong kulay itim na sasakyan, pero hindi ito hinintuan at pinabayaan lang ang biktima, na nagresulta sa kamatayan nito.
Agad namang inimpormahan ang Manila District Traffic Enforcement Unit -Vehicle Traffic Investigation Section (MDTEU-VTIS) para hawakan ang kaso at ngayon ay nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.














