WALA nang buhay nang matagpuan ang lalaking nakitang dinukot sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas kamakalawa ng gabi.
Patay na nang makita ang biktimang si Eugene Beltran Del Rosario, isang residente ng Lemery, Batangas sa gilid ng kalsada sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Positibong kinilala ng mga kaanak ang bangkay, matapos siyang matagpuang nakahandusay sa gilid ng Eco-Tourism Road sa nasabing bayan Huwebes ng umaga.
Ayon sa report ng pulisya ng Sariaya, nakatali ang dalawang kamay at nakabalot pa ng packaging tape ang buong ulo ni Del Rosario nang matagpuan ito mahigit 70 kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya dinukot ng ,mga hindi pa nakikilalang suspek.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng PNP-SOCO ayon kay Lt. Col. William Angway, hepe ng pulisya, na may tama ng bala sa ulo at likod ang biktima.
Posible rin umanong planong iligaw ng mga salarin ang imbestigasyon dahil sa kanilang paunang imbestigasyon ay hindi sa Sariaya pinatay ang biktima kundi sa ibang lugar at itinapon lamang umano ang bangkay sa naturang bayan.
Huling nakitang buhay si Del Rosario nitong Miyerkules ng gabi sa isang gas station sa bayan ng Taal. Nakunan ng CCTV ang pagdukot sa kanya.
Sapilitan nilang isinakay si Del Rosario sa isa sa dalawang van na pumarada na may sakay na walong armadong kalalakihan habang sumisigaw ito at humihingi ng saklolo. (VICTOR BALDEMOR)