By: Itchie G. Cabayan
NATAGPUAN sa loob ng isang drum ang isang kulay itim na trash bag na naglalaman ng pinagputol-putol na katawan ng isang di pa nakikilalang lalakiat saka ipinatapon sa dalawang basurero ng dalawang lalaking sakay ng isang puting L300 van kamakalawa ng gabi sa harap ng Delpan Sports Complex sa Mel Lopez Blvd. (Northbound) Barangay 275 Zone 3 Binondo, Maynila.
Ayon kay PMSg Arvy Macarasig ng Manila Policde District-Homicide Section, alas-7:30 ng gabi nang makita ng mga scavenger na sina Jay Reyes Rodriguez, 23 at James Marcel Pastor, 34, ang pagdating ng isang kulay puting L300 van.
Bumaba umano sa van ang dalawang lalaki at ibinaba ang isang kulay asul na plastic drum at inutusan ang dalawang basurero na itapon ito.
Nag-abot umano ng pera ang mga lalaki para sa gagawin nilang pagtatapon sa drum na may nakalagay na plastic tape sa paligid nito.
Inilagay naman umano ng mga basurero ang drum sa dala nilang kariton at dinala sa harapan ng Delpan Sports Complex.
Habang inaalis umano nila ang laman ng drum ay napansin nila ang nakabukas na trash bag at duon ay nakita nila ang laman na putol-putol na katawan ng lalaki, kaya’t kaagad nila itong ini-report sa presinto, na siya namang tumawag sa MPD-homicide at SOCO.
Samantala, dinala sa punerarya ang putol-putol na bahagi ng katawan ng lalaki para sa safekeeping, habang iniimbestigahan ang kaso upang malaman ang pagkakakilanlan ng biktima.














