Lalaking Chinese national, dinukot sa Maynila

By: Baby Cuevas

Isang negosyanteng Chinese national ang sinasabing dinukot umano ng mga di pa kilalang lalaki sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Qiu Shangjin, na residente umano ng Alonzo St., sa Sta. Cruz.


Batay sa inisyal na ulat na nakarating sa tanggapan ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-9:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa naturang lugar, na sakop ng Barangay 313.

Dalawang di kilalang lalaki ang bigla na lang umanong lumapit sa biktima at sapilitan itong isinakay sa isang kulay brown na Toyota Innova at kaagad na tumakas.

Ayon sa ilang saksi, may speed racer marking ang gilid ng sasakyan at may star na logo naman ang hood nito.


Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa naturang insidente upang masagip ang biktima at maaresto ang mga taong nasa likod nang pagdukot sa kanya.


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Most Read