Lalaking armado ng baril, nag-amok

MAAGAP na napigilan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki na nag-amok habang armado ng isang baril bago pa siya makapanakit ng mga inosente na nag-aabang ng masasakyan sa may Ermita, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nadakip na si Pedrelito Torres, 30-taong gulang, binata, walang trabaho at nakatira sa Estero De Magdalena Street, Tondo, Maynila.


Sa ulat ng MPD-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa pamumuno ni Maj. Edwin Samonte, dakong alas-9 ng gabi nang magkasa sila ng surveillance operation sa may Lawton Street sa tapat ng Park N Ride sa Ermita dahil sa ulat ng talamak na holdapan na nangyayari sa bisinidad. Nang dumating sila sa lugar, sinalubong sila ng isang grupo ng tao na takot na takot dahil sa may isang lalaki umano na nagwawala at nanunutok ng baril.

Dito nila naabutan ang suspek na si Torres na sumisigaw na papatayin niya kung sino man ang nagbibintang sa kaniya na siyang nagnanakaw o nanghoholdap sa lugar. Lahat rin umano ng makita niya ay hinahamon ng away at tinututukan ng baril.

Agad na umaksyon ang mga awtoridad at nagawang mapasuko ang suspek makaraang magpakilala sila na mga pulis. Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 na baril na rebolber na may anim na bala.


Nakaditine na ang suspek at nahaharap sa mga kasong Alarm and Scandal at paglabag sa RA 10591 0 Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act sa Manila City Prosecutor’s Office. (JERRY S. TAN)


Tags: MPD-Special Mayor's Reaction Team (SMaRT)

You May Also Like

Most Read