Binawian ng buhay sa ospital ang isang 25-anyos na lalaki matapos itong tarakan ng kutsilyo sa dibdib ng kanyang kinakasamang babae sa gitna ng isang mainit na pagtatalo sa Sta Ana, Maynila kamakalwa ng gabi.
Kinilala ni PCMS Boy Niño Baladjay, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang suspek na si Rhaiza Alonzo,25, ng No. 2335 Int.1 Pasigline Street,Sta.Ana,Maynila.
Ang biktima namang si Cecilio Lopez II, 25-anyos din, ay nasawi dahil sa isang tama ng saksak sa dibdib.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-11:25 ng hatinggabi sa kuwarto ng biktima at suspek.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang magkalive-in sa kanilang kuwarto at sa kasagsagan ng pagtatalo ay kumuha ang suspek ng kutsilyo at sinaksak ang biktima.
Nakatayo pa umano ang biktima at nakalabas ng kuwarto upang humingi ng tulong sa kanyang mga kaanak. Dinala ito sa ospital pero nasawi rin alas-12:01 ng madaling araw.
Samantla, nadakip naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) ang suspek sa loob ng pagamutan.
Kasong murder ang isinampa laban sa suspek sa Manila Prosecutor’s Office.