DAHIL sa pagtatalo sa mamanahing lupa nauwi sa patayan ang masayang inuman ng magkapatid nang pagtatagain umano ng isang lalaki ang kanyang nakababatang kapatid sa bayan ng Balaoan, La Union, sa ulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat Balaoan Municipal Police Station, patay sa pananaga ang isang 36 anyos na lalaki na naunang naghamon sa kanyang nakatatandang kapatid.
Ayon sa hepe ng Balaoan Police na si Police Maj. Lawrence Ganuelas, nag-iinuman ang magkapatid sa isang tindahan sa Brgy. Nagsabaran nang mapag-usapan nila ang tungkol sa kanilang mga mamanahing lupa.
Dito umano nagkaroon ng argumento ang dalawa na nauwi sa suntukan na nagawa namang maawat, pagkatapos nito ay umuwi na ang suspek subalit sinundan pa umano ito ng biktima at sinigaw-sigawan sa kanyang bahay.
Matapos umanong manghamon ang biktima ay bumalik ito sa tindahan para magpalamig subalit lingid sa kanya ay sinundan siya ng suspek na armado ng itak at saka pinagtataga.
Nagtamo ng sugat sa batok at leeg ang biktima na isinugod pa sa ospital, pero idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Boluntaryong sumuko ang suspek sa mga awtoridad at nahaharap ngayon sa kasong parricide. (VICTOR BALDEMOR)














