Latest News

Lalaki, patay sa pamamaril sa Tondo

Isang lalaki nag patay nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin habang naglalakad sa Tondo, Manila nitong Linggo.

Dead-on-the-spot ang biktimang nakilalang si Adrian Ochangco, 23, dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa likod habang nakatakas naman ang di kilalang salarin, bitbit ang di pa batid na kalibre ng baril na ginamit sa pagpatay.


Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1 (PS-1), nabatid na bago mag-a-alas-4:00 ng madaling araw ng Linggo nang mangyari ang pamamaril sa Road 10, tapat ng Smokey Mountain.

Naglalakad lamang si Ochangco sa naturang lugar nang makarinig ang mga residente ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.

Nagulat na lang umano ang mga residente nang bigla na lang duguang bumulagta ang biktima sa kalye.


Dahil madilim sa lugar, bigo ang mga residente na makita o makilala ang may kagagawan ng krimen.

Lumitaw sa imbestigasyon na bago ang pamamaril ay sinamahan pa umano ng biktima ang isang alyas ‘Marjorie’ upang kunin ang biniling damit sa isang gusali sa Tondo, dakong ala-2:30 ng madaling araw ng Linggo.


Pasado alas-3:00 ng madaling araw na umano nang maghiwalay silang dalawa ni ‘Marjorie.’

Ayon naman sa tiyahin ng biktima, bago nakipagkita kay ‘Marjorie’ ay sinundo ng dalawang lalaki si Ochangco sa kanilang bahay.


Laking gulat na lang umano nila nang matapos lamang ang ilang oras ay nadiskubre na itong patay.

Sa follow-up report naman, tinukoy ng mga otoridad ang isang alyas ‘Emeng’ na umano’y person of interest sa krimen.

Ayon kay MPD-PS1 chief, PCOL Jhun Ibay, pinuntahan nila sa bahay si alyas ‘Emeng’ ngunit hindi pa umano ito umuuwi, simula noong Sabado ng gabi.



Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen para sa agaran nitong kalutasan. (Arsenio Tan)

Tags: Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1 (PS-1)

You May Also Like