Nasawi ang isang 41-anyos na lalaki nang ito ay saksakin ng basag na bote sa kanyang hita habang pinipigilan ang napipintong pagra-riot ng dalawang grupo ng kalalakihan sa harap ng kanyang bahay sa Tondo, Maynila.
Ang biktimang si Brian Sese, ng No. 247 Moriones St., Barangay 123, Tondo, Maynila ay di na umabot nang buhay sa ospital.
Ayon sa imbestigasyon ni PSMS Boy Niño Baladjay ng Manila Police District – Homicide Section, naganap ang insidente alas-6 ng umaga sa harap ng bahay ng biktima.
Kinompronta umano ng biktima ang grupo ng kalalakihan na nagtitipon sa harap ng kanilang bahay at nakatakda nang mag-riot nang isa sa grupo ang biglang sinaksak ang biktima ng basag na bote sa hita.
Nagawa pang isugod ang biktima sa pagamuta na hinihinalang naubusan ng dugo sa tinamong sugat sa hita, dahilan upang ito ay masawi.
Samantala, patuloy nanagsasagawa ng follow-up operation ang MPD-PS1 para sa ikadarakip ng suspek.














