NAPATAY ng isang 37- anyos na lalaki ang kanyang sariling ina at tiyahin nang bigla itong maghuramentado at managa ng walang habas sa lalawigan ng Bohol.
Bukod sa dalawang matandang babae ay malubha ring nasugatan ang apat pang kaanak ng suspek nang mag-amok ito kamakalawa ng hapon, habang sugatan din ang suspek nang mabaril ito ng mga rumespondeng tauhan ng Bohol PNP.
Ayon kay Bohol police spokesperson Lt. Col. Norman Nuez, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga kaanak ng suspek nang walang habas umano itong nanaga gamit ang isang itak.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad at inabot pa ang suspek na hawak ang bolong ginamit sa mga biktima, subalit tumanggi itong sumuko nang mapayapa at sinubukan pang manlaban, kung kaya’t napilitan ang mga awtoridad na paputukan ito.
Isang ‘detained, confined patient’ ngayon ang supek sanhi ng tinamong tama ng bala sa balikat at sikmura.
Matapos na ma-neutralize ang suspek ay nadiskubre ang nanay nito na wala nang buhay, habang hindi na umabot nang buhay ang kanyang 79-anyos na tiyahin nang itakbo ito sa pagamutan.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa ospital ang apat pa nitong kamag-anak na pawang nagtamo ng ‘hack wounds’.
Inaalam pa ng mga pulis ang sanhi ng pagwawala ng suspek na inutos na isailalim sa drug test at psychiatric examination.














