Kinatay muna sa saksak ang ka-live in bago nagpakamatay ang isang 35-anyos na lalaki sa pamamagitan ng paulit-ulit na pag-untog ng kanyang ulo sa pader at pag-inom ng silver cleaner kahapon ng umaga sa Binondo,Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Aileen Rosaroso, 28 at ang kinakasamang si Christian Jorel Burgos, kapwa residente ng 845 – K Old Matadero St., Binondo.
Sa imbestigasyon ni PSMS Jansen San Pedro ng Manila Police District-homicide section, selos ang motibo ng ginawang pagpaslang ni Burgos sa kinakasama. sa hinalang mayroon itong ibang karelasyon.
Naganap umano ang insidente alas-7 ng umaga sa bahay ng dalawa matapos na madiskubre ng pamangkin ng biktima dahil sa pagi-iiyakan ng dalawang bata na anak ng mag-asawa, na nasa edad lima at walo.
Napag-laman na bago naganap ang krimen ay nag-inuman muna ang mag-live in at mag-uumaga na nang matapos ang inuman.
Tumabi umano si Rosaroso sa kanyang mga natutulog na anak para magpahinga at nang makaidlip ay bumangon ang suspek at saka pinagsasaksak sa iba’t- ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Kasunod noon ay iniuntog naman ng suspek ang ulo sa pader at saka uminom ng silver cleaner .
Nakita umano ng limang-taong gulang na anak ang ginawa ng kanyang ama. (Philip Reyes)














