Arestado ang isang 25-anyos na lalaki nang magwala sa lobby ng Bagong Ospital ng Maynila (BOMA) matapos na hindi payagang mabisita ang naka-confine niyang asawa, kamakalawa ng umaga sa A. Mabini Street, Malate, Maynila.
Nasa kustodiya ng Manila Police District -Station 9,ang suspek na si Roland Sedon, matapos bitbitin ni Rolando Verona at Mario Dalaguan Jrm, kapwa security guard ng BOMA.
Sa imbestigasyon ng MPD-PS9, naganap ang insidente alas- 6:10 ng umaga nang dumating ang suspek at nagpumilit na makapasok sa entrance gate.
Ipinaliwanag ng dalawang security guard ang polisiya ng hospital sa ‘visiting hours’ sa mga pasyente.
Gayunman, nagalit ang suspek , nagsisigaw at pinagmumura ang dalawang guwardiya.
Sinikap umano ng dalawang guwardiya na payapain ang suspek pero sa halip na tumigil ay inatake nito ang mga guwardiya kaya siya inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.
Sinampahan ng kasong physical injury at alarm and scandal ang suspek sa Manila Prosecutors Office.