TINIYAK kahapon ng Department of Justice (DOJ) na wala na sa serbisyo sa Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng opisyal at tauhan nito na nasangkot sa kontrobersyal na “pastillas scheme” na itinuturong isa sa dahilan ng pagdami ng mga iligal na Chinese national sa Pilipinas.
Sinabi ni DOJ Assistant Secretary Neal Bainto na lahat ng immigration personnel na nahaharp sa kasogn graft sa Sandigan ay hindi na pumapasok sa kanilang trabaho.
“We can confirm po na wala na po sila ngayon sa Bureau of Immigration, tanggal na po sila,” giit ni Bainto.
Nangako rin ang opisyal na tuluy-tuloy pa rin ang paglilinis nila sa nabanggit na ahensya sa pagpapatibay sa pagdisiplina sa mga tauhan nito.
“Tuloy-tuloy naman po ang efforts ng DOJ, ng Bureau of Immigration, meron na rin po tayong, ‘yung aksyon po ng Board of Discipline,” dagdag pa ni Bainto.
Nanawagan muli siya sa mga tauhan ng BI na posibleng gumagawa pa rin ng naturang iligal na gawain, na mag-isip-isip na at tigilan na ito.
Matatandaan na 18 tauhan ng BI ang ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na matanggal na sa serbisyo sa gobyerno habang nitong Hunyo 6 naglabas muli ng kautusan na tanggalin na sa puwesto ang 45 na immigration personnel na nasangkot dito. (Philip Reyes)