Nangunguna si itinalagang Special Assistant to President Anton Lagdameo sa pinakamalaking naiambag sa Statement of Contributions and Expenditure (SOCE) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Eleksiyon 2022.
Sa kanyang isinumiteng SOCE sa Commission on Elections (Comelec) lumabas na tumanggap si Marcos ng P624,684,320.09 na cash at “in kind”.
Sa dokumento, nakita na nakapag- ambag si Lagdameo ng P247,234,320.09 na “in-kind” mula sa partido kung saan siya ang ingat- yaman.
Nabatid na si Melquiades Robles ang ikalawa sa may pinakamalaking nai- ambag sa kampanya ni Marcos kung saan nagbigay ito ng P30 milyong cash.
Si Robles ay ini-appoint na general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Hulyo.
Ang ikatlong pinakamalaking naiambag ay si Philip Lo, na nagbigay ng P25 milyon cash sa kampanya ni Marcos at may 11 pa na nagbigay ng tig P10 milyon na kabilang sa 67 idineklarang nag-ambag sa kampanya ni Marcos.
Samantala,ang running-mate ni Marcos na si Vice President Sara Duterte, ay nagdeklarang tumanggap ng P216,190,935.06 kontribusyon sa kanyang kampanya.
Ang pinakamalaking kontribusyon ay nagmula sa kanyang partido na Lakas-CMF na mahigit P139 milyon “in kind” ,sinundan ni Harry Rique na nagbigay ng P3,641,0343.72 kabayaran sa advertisement .
Habang ang Davao-based ESDEVCO Realty Corp.ay nagbigay ng P19,923,904 milyon halaga ng advertisements, at si Senator Sherwin Gatchalian ay nag-donate ng P12.8 milyong kabayaran sa ads.
Ang Pwersa ng Masang Pilipino ay nagbigay ng kabuuang P7.5 milyon bayad sa ads, gayundin ang Duterte Youth na nagbigay ng P361,401. (Carl Angelo)