PATAY ang isang lady rider at sugatan naman ang kanyang angkas nang masagi at masagasaan ng isang truck,kahapon ng madaling araw sa Malate, Maynila.
Kaagad na nasawi ang biktimang si Vernadette De Bor, 30, massage therapist at residente ng 300 S. Castillo St., San Pedro, Pateros,
Inoobserbahan naman sa Philippine General Hospital ang kanyang backride na si Jasmin Cristy Capital, 31, physical therapist, at residente ng 9F Victor St., Tramo, Pasay City.
Samantala ay arestado naman ang driver ng truck na si Severino Del Rosario, 47, ng Sitio Hulo, Brgy. Akle, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa imbestigasyon ni PCpl Genesis Flagne ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District- Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Taft Avenue, kanto ng P. Ocampo St., sa Malate.
Nalaman na sakay umano ang mga biktima ng isang Honda ANF100 motorcycle na may plate number 9447 NL habang minamaneho naman ni Del Rosario ang Howo Truck na may plate number na NFY 3852 at kapwa binabagtas ang southbound lane ng Taft Avenue.
Pagsapit sa nabanggit na lugar ay pakaliwa sana ang truck pero bigla itong napunta sa kanan, sanhi upang masagi ang motorsiklo ng mga biktima.
Dahil dito ay sumemplang ang motorsiklo sa sementadong kalsada at minalas na masagasaan pa ng truck, na nagresulta sa agarang pagkamatay ni De Bor at pagkasugat naman ni Capital.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property sa Manila Prosecutors’ Office si Del Rosario.(Carl Angelo)