ISA na naming kasapi ng media ang nilikida ng mga hindi pa nakikilalang salarin nitong Martes sa Zamboanga City sa ulat ng pulisya.
Kinilala ang Zamboanga City Police Office ang biktima na si Ma. Vilma Rodriguez, isang broadcast journalist ng 105.9 E-Media Production Network, Inc.
Sa inisyal na ulat ay ilang ulit umanong binaril ng gunman ang lady broadcaster sa harap ng kanyang pamilya sa Barangay Tumaga.
Naganap umano ang pamamaril kamakalawa ng gabi bandang alas-9:30 sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Tumaga at agad na itinakbo sa Zamboanga City Medical Center.
Mariing kinondena ng Malacañang ang pagpatay sa broadcast journalist at inatasan ang Philippine National Police para sa masusing imbestigasyon at pagdakip sa mga salarin.
Ayon sa Palasyo, walang puwang ang ganitong uri ng kasuklam-suklam at karahasan sa bansa, kung saan pinahahalagahan ang kalayaan, demokrasya at ang batas, higit sa lahat.
Nakikiramay naman ang pamahalaan sa pamilya ng biktima, kasabay ng pagtitiyak na sisikaping malaman ang katotohanan at makamit ng pamilya ang hustisya.














