Latest News

Sina Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at MUSO chief Atty. Danilo De Guzman habang nagpakuha ang isa sa 195 na ginawaran ng lote sa ilalim ng 'Land for the Landless Program.'

LACUNA ADMINISTRATION, PINAKAMARAMING NABIGYAN NG LUPA SA KASAYSAYAN NG MAYNILA

By: Jerry S. Tan

MULING nakapagtala ng record ang administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna bilang pinakamaraming naipamahaging lupa sa kasaysayan ng lungsod, para sa mga residente ng Maynila na nakatirik ang bahay sa lupa na hindi naman kanila.

Ito ay kasunod ng paggawad ng titulo ng lupa sa 195 pamilya na pinakahuling batch ng mga beneficiaries ng “Land for the Landless Program (LLP).”

Ayon sa records ng Manila Urban Settlements Office (MUSO) na pinamumunuan ni Atty. Dave de Guzman, ang administrasyon ni Lacuna ay nakapamahagi ng lupa sa may kabuuang 970 awardees mula nang maupo ito bilang alkalde noong 2022. Ito na ang pinakamarami sa kasaysayan ng Maynila, mula nung panahon ni Mayor Alfredo Lim.


Ang mga pamilyang nagawaran ng titulo ay pawang mula sa Villa San Antonio Neighborhood Association sa Singalong, Lower Victorino Mapa Neighborhood Association sa Sta. Mesa at Marquitos Neighborhood Association sa Sampaloc, gayundin sa iba pang estates.

Ang paggagawad ng lote sa mga nasabing pamilya sa ilalim ng “Land for the Landless Program” ng pamahalaang-lungsod ay isinagawa sa simpleng seremonya sa Manila City Hall, na dinaluhan din nina Vice Mayor Yul Servo, Secretary to the Mayor Marlon Lacson, City Engineer Moises Alcantara at Manila Urban Settlements Office (MUSO) chief Atty. Danilo de Guzman.


Ayon kay Lacuna, ang pagkakaloob ng lupa sa mga pamilyang ang mga tahanan ay nakatayo sa mga loteng hindi nila pagmamay-ari, ay tuloy-tuloy lamang sa lungsod.

“Ang pamamahagi ng lupa ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng lungsod na bigyan ng seguridad sa paninirahan ang mga pamilyang matagal nang naninirahan sa lungsod ngunit walang sariling lupang tinatayuan. Nauunawaan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling tahanan, kaya naman hindi kami tumitigil sa paghahanap ng mga paraan upang matulungan ang ating mga kababayan,” ani Lacuna.


Sinabi naman ni Servo na ang programa ay isang solidong patunay na ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Lacuna ay tunay na tumutugon sa matagal nang problema sa mga iskwater sa lungsod.

Labis ang pasalamat ng mga recipients sa alkalde dahil natupad na ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling lote, kung saan nakatayo ang kanilang bahay.

“Hindi ko po akalain na mangyayari ito. Salamat kay Mayor at sa buong lungsod ng Maynila. Para po kaming nanalo sa lotto,” ani Marites Santos habang hawak ang kanyang titulo bilang isa sa mga bagong nagawaran nito.

Sinabi ni De Guzman na sa kautusan ni Lacuna, mas marami pang lote at housing units ang nakatakdang ipamahagi sa mga ‘landless families’ sa Maynila, bilang bahagi ng pagsusumikap na mabigyan ng dignidad ang mga karapat-dapat na Manilenyo.

Sa ilalim ng “Land for the Landless” program, pinagkakalooban ng sertipiko ang mga benepisyaryo para magkaroon ng kanilang sariling lote, sa pamamagitan ng subdivided expropriated lots sa iba’t- ibang barangay.

Pinuri naman ni Lacuna si De Guzman dahil sa tagumpay ng programa at hiniling din iya sa mga recipients na pangalagaan ang mga loteng ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaang-lungsod.

“Sa kabila ng malaking utang na kinahaharap ng ating lungsod, ang MUSO po ay patuloy na nagtatrabaho nang todo upang matugunan ang ating housing backlog,”ani Lacuna, kasabay din ng kanyang kahilingan sa mga residente ng patuloy na suporta para sa katuparan ng mga programa ng kanyang administrasyon.

“Gaya ng lagi kong sinasabi, patuloy po nating isinusulong ang programang ito upang mas maraming Manileño ang magkaroon ng seguridad sa paninirahan,” pagtitiyak nito.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read