LABI NG PINAY NA NAMATAY SA LINDOL SA TURKIYE, DUMATING NA SA BANSA

Inihatid na patungong Lucena City sa Quezon ang labi ni Wilma Abulad Tezcan, ang isa sa dalawang Pilipinong nasawi sa pagtama ng Magnitude 7.8 na lindol sa Turkiye.

Dumating ang labi ni Wilma dakong alas-6 ng gabi sakay ng Turkish Airlines flight TK-83 sa NAIA Terminal 3 at agad itong dinala sa PAIRPAGS Center na siyang nagproseso rito.


Sinalubong ito ni Department of Foreign Affairs – Office of Migrant Workers Affairs o DFA-OMWA USec. Eduardo de Vega at iba pang kinatawan mula Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay USec. de Vega, matagal nang naninirahan sa Turkiye si Wilma na nakapangasawa ng isang Turkish national.

Kasunod nito, iniulat din ni USec. de Vega na nailibing na ang isa pang Pilipinong kasamang nasawi ni Tezcan sa Turkiye.


Labis naman ang pasasalamat ng Ama ni Wilma na si William sa mga taong nagpaabot ng pakikiramay at panalangin para sa kaniyang anak

Kwento naman ng anak ni Wilma na si Nicole, apat na araw matapos ang lindol nang matagpuan ang kaniyang ina mula sa gumuhong gusali. (Baby Cuevas)


Tags: Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)

You May Also Like