HINDI pa rin naibaba kahapon ang labi ng apat na nasawi sa bumagsak na Cessna plane sa may dalisdis ng Bulkang Mayon, dahil sa peligrosong panahon at mahirap na daan.
Ito ang inihayag kahapon ng ilang kasapi sa retrieval operation na nauna ng naka akyat at naka recover sa mga bangkay.
Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Baldo Jr., pabalik at pababa pa lang ng bulkan ang retrieval team na kumuha sa labi ng apat na namatay sa Cessna plane crash.
Nabatid na Sabado pa ng hapon nang makarating ang impormasyon na na-retrieve na ang labi ng mga nasawi.
“Hindi pa sigurado kung darating, kung kakayanin ng retrieval operation team kasi baka exhausted na sila kaya iko-coordinate nalang sila,” ani Baldo nuong Sabado.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na may kahirapan ang pag-retrieve sa mga labi dahil sa terrain ng bulkan na pinagbagsakan ng eroplano bukod pa sa masamang panahon sa itaas ng bundok.
Kahapon, isang misa na pinangunahan ni Bishop Bong Baylon ng Diocese of Legazpi para sa mga nasawi at sa kaligtasan ng retrieval team.
Sinasabing pahirapan pa rin ang pagbababa sa mga labi dahil kahit maganda ang panahon sa baba ay lagi namang maulap sa itaas ng Bulkang Mayon.Bukod sa madulas umano ang mga bato at buhangin ay madalas na nagkakaroon ng pagdausdos ng lupa bunsod ng ulan.
Magugunitang umaabot sa 700 responders ang tumulong para mahanap ang eroplano Cessna 340 at mga pasahero nito mula nang mawala noong Pebrero 18. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)