Latest News

Peoples Tonight Online

KWENTONG HONEY-ISKO, PAREHO NG KWENTONG PALAKA AT ALAKDAN

By: Bernie Ang

Dahil sa dami ng nagre-request, narito ang Tagalog version ng aking nakalipas na column sa pahayagang ito.

Di mabilang sa daliri ang dami ng mga kaibigang nagtatanong kung ano ba talaga ang nangyari sa dati ay tila magkapatid na relasyon nina Manila Mayor Honey Lacuna at ex-Mayor Isko Moreno.


Dahil ako ay kumpirmadong siyang pinaka-nakakaalam ng relasyon ng dalawa, ako na mismo ang magkukuwento kung ano ba talaga ang nangyari.

Bago at matapos na matalo sa 2022 presidential elections, paulit-ulit na sinabi ni Isko sa aming lahat na kanyang kapartido, ‘kaibigan at kapamilya (??)’ sa Asenso Manileño at maging sa personal na level (‘yun ang paniwala namin dati) at maging sa mga pagpupulong, na siya daw ay retirado na sa pulitika at sa ‘gedl” na lang daw siya. Maging sa mga interviews niya sa media ay ‘yan din ang sinasabi niya bago tumakong Presidente, habang natakbo at maging matapos na maging talunan.

Naniwala kaming lahat dahil paulit-ulit din niyang sinasabi na siya ay isang taong may pagpapahalaga sa palabra de honor o pagkakaroon ng isang salita.



“Ang laway ko ay naisasanla. Pag nasabi ko na, pwede nyo nang dalhin sa Cebuana Lhuillier.” ‘Yan ang paboritong niyang linyahan na di mabilang sa daliri kung ilang beses niyang dineklara at sa katunayan, nakabisado na nga ito ng maraming taga-Maynila.

Matapos ang kahiya-hiyang pagkatalo sa Presidential elections kung saan tinalo siya sa Maynila mismo ng ngayon ay Presidente Bongbong Marcos, Jr., at maging ni Leni Robredo, nag-umpisa nang kumilos si Isko na kabaligtaran sa kanyang mga naunang deklarasyon ng pagre-retiro. Biglang sunod-sunod ang paglitaw sa social media ng kanyang mga post na halatang nakatuon sa pagtakbo bilang mayor sa darating na halalan.


May gimik pa itong script na pagbaba sa isang lugar ay mga mga sisigaw ng ‘bumalik ka na’. Susmaryosep.

Sa kabila ng iba ang kanyang sinasabi sa ginagawa, patuloy kaming nagtiwala, nanalig at naniwala pa din kay Isko na hindi daw niya kakalabanin si Mayor Honey dahil ito pa rin ang sinasabi niyang paulit-ulit kapag tinatanong siya dahil nga sa mga ipino-post nito sa social media.



Hanggang sa isang araw, bigla niyang ipinatawag si Mayor Honey para daw sa isang meeting. ‘Yun pala, gusto lang niya sabihin kay Mayora na balak niyang tumakbo, taliwas sa mga sinasabi niya ngayon na nagpaalam daw siya.

Una sa lahat, ipagpalagay nang totoo ang sinasabi ni Isko, hindi ba isang malaking katangahan naman para isipin niyang walang balak tumakbo si Mayor Hone gayung ito ang ‘incumbent mayor’ o nakaupong mayor?

Ipinarating lang ni Isko kay Mayor Honey ang kanyang plano at ni hindi tinanong kung ano ang balak ng nakaupong mayora o kung ito ba ay tatakbong muli, na natural naman dahil nga nanalo ito. Eh kung si Isko na talunan ay naisipang tumakbong mayor, eh di higit naman sigurong dapat na maisipan ito ni Mayor Honey na nanalo at kasalukuyang mayor?



At di lamang ‘yan. Ni hindi rin sinabi ni Isko ang maitim na plano nito sa kanyang mga kapartido sa Asenso Manileño na siyang nagdala sa kanya sa tagumpay para maging vice mayor at kalaunan, mayor. Nagdesisyon siyang mag-isa para sa kanyang sarili lamang at di binigyang-halaga ang opinyon o damdamin ng mga kapartido.

Nang maupo bilang alkalde ay itinuloy lahat ni Mayor Honey ang mga iniwang nakatiwangwang na proyekto ni Isko at pinaganda pa ang mga ito, sa kabila nang si Isko ay nag-iwan ng napakalaking utang na umabot ng P17.8 billion.

Wala ring inalis si Mayor Honey sa mga iniwang opisyal ni Isko na umokupa sa lahat ng puwesto, liban lang sa isa o dalawa na matagal nang inirereklamo ng mga empleyadong nasasakupan nila.

Bukod diyan ay patuloy na nakinabang si Isko sa mga ‘pribilehiyo’ na dapat sana ay hindi na dahil nga talunan na siya at di na alkalde.

Ngayon, dahil sa kawalan ng maayos, matibay at tamang rason kung bakit siya biglang kakalaban kay Mayor Honey, may gana pa itong si Isko na sira-siraan si Mayora habang tinatawag kuno na ‘Ate Honey,’ sa kabila nang ito ay isang babae at walang ginawang pagkakamali o kasalanan sa kanya. Ang mga paninira ay para lasunin ang isipan ng mga taga-Maynila at palabasin na may dahilan siya para tumakbong alkalde.

Sa kabila niyan, pinatunayan ni Mayor Honey na siya ay isang edukado at disenteng babae. Hindi siya bumaba sa antas at klase ng paninira na ginagawa sa kanya.

Para sa kaalaman ng lahat, ako ang nagpasok kay Isko sa aming partido at kasama ang aking best friend na si dating Vice Mayor Danny Lacuna, kami at ang iba pang mga haligi ng partido ay nagtulong-tulong upang ihulma si Isko na maging mas mabuti at upang maiangat sa buhay.

Pinagtulungan namin ni VM Danny maging ang paglutas sa maraming naging personal na problema ni Isko at nakakalungkot man ngayon, itinuring namin ito bilang isang tunay na anak. Ang pamilya ni Mayor Honey ay inakap si Isko bilang isang tunay na kapamilya.

Ngayong naikuwento ko na ang kasaysayan ng relasyong Honey-Isko ay hayaan naman ninyong ibahagi ko sa inyo ang kuwento ng alakdan na naubusan ng pagkain sa isang isla. Hiniling niya sa isang palaka na tulungan siyang makatawid sa kabilang isla dahil hindi siya marunong lumangoy.

Hindi nagdalawang-isip ang palaka at pinasakay sa likod niya ang alakdan pero pagdating sa kabilang ibayo ay kinagat siya ng alakdan, na alam nating may dalang lason.

Sabi ng palaka, “bago ako malagutan ng hininga, gusto kong malaman kung bakit mo ako kinagat gayung tinulungan naman kita sa iyong pangangailangan.”

Sagot na alakdan: “Di naman kailangang may dahilan. Ugali ko na ‘yan.”

Sana ay nasagot ko na ang mga kaibigan kong nagtatanong. Ngayon, alam n’yo na.

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like