Simula na sa araw ng Miyerkules ang 40-araw na Kuwaresma sa pamamagitan ng “ash Wednesday “.
Ang ash Wednesday ay hudyat ng kuwaresma kaya’t hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na makiisa sa pagsisimula sa 40-araw na paghahanda sa Paschal Triduum ng Simbahan na kasabay rin ng pagdiriwang ng Valentine’s day.
Inihayag ni Bishop Uy na magandang pagkakataon ang dalawang pagdiriwang sapagkat sasariwain ang diwa ng pag-ibig sa kapwa at sa Panginoon.
Ipinagdarasal ng Obispo na gunitain ito ng mga mananampalataya na puno ng kabanalan sa halip na marangyang gawain dahil hudyat ito ng pagsisimula ng kuwaresma.
“This year’s Valentine’s Day coincides with Ash Wednesday. We highly encourage our Catholic brothers and sisters to honor the sanctity of this day by attending mass, offering sacrifices (fast and abstain), and by not engaging in noisy and festive activities,” ani Bishop Uy.
Matatandaan na sinabi ng Santo Papa Francisco na ang Kuwaresma ay panahon ng paglalakbay tungo sa pagpapanibago at pagbabalik-loob sa Panginoon, pagpapasigla sa pananampalataya, pagbibigay pag-asa at patuloy na pagpapamalas ng pag-ibig sa kapwa.
Paalala pa ng Santo Papa na ang karanasan ni Hesus na nagpakasakit at namatay sa krus upang tubusin ang sangkatauhan ay isang tanda ng dakilang pag-ibig na nararapat palaganapin sa pamayanan.