CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte – Boluntaryong sumuko sa 90th Infantry (Bigkis-lahi) Battalion ang kumander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa ilalim ng Karialan Faction kasama ang 43 nitong mga tauhan sa Kabacan, Cotabato.
Kasali sa mga sumuko ang apat na sub-leaders at pitong bomb experts ng BIFF at nasa 34 na samot-saring armas at siyam na high explosives ammunitions naman ang isinuko ng mga ito, ayon kay Lieutenant Colonel Rommel Mundala, Battalion Commander ng 90IB.
“Napagtanto nila na panahon na para talikuran ang kanilang ipinaglalaban at nais na nilang mamuhay ng normal kasama ang kanilang mga pamilya”, dagdag ni Lt. Col. Mundala.
Nasa pag-iingat na ngayon ng 90IB ang isang (M14 Rifle, limang .45 caliber pistol, dalawang Ingram, isang Carbine, isang RPG2, anim na Uzi, anim na Thompson, dalawang M79 Grenade Launchers, dalawang Musil 7.62mm, walong RPGs, walong RPG Fragmentation-Type Rounds at isang RPG High Explosive Anti-Tank (HEAT) round.
Naging posible ang pagbalik-loob ng dating mga rebeldeng BIFF sa pagsisikap ng mga kasundalohan kasama ang suporta ng Local Government Unit ayon kay Col. Donald Gumiran, 602Bde Commander.
“Ang pagsuko ay resulta ng joint effort ng 90th Infantry Battalion at ng mga intelligence unit na naka-deploy sa lalawigan”, dagdag ni Col. Gumiran.
Isasailalim naman sa proseso ang enrolment ng mga former violent extremist sa reintegration program ng gobyerno ayun kay Maj. Gen. Roy Galido, JTF Central Commander.
“Their documents will also be processed for enrolment in the reintegration program of the government,” pahayag ni JTFC Commander Maj. Gen. Roy Galido.
Muling nanawagan ang JTF Central at 6ID sa mga naging biktima ng disinformation ng BIFF na magbalik-loob na sa pamahalaan alang-alang sa kanilang mga kaanak. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














