EPAL NA AHENSIYA NG GOBYERNO SA NAIA, MANG-AAGAW NG KREDITO

By: Jerry S. Tan

Usap-usapan sa mga group chat (GC) ng mga reporters na nagco-cover sa NAIA beat at mga ahensiyang sakop ng operasyon ng airport ang panunulot ng kredito ng isang sangay ng gobyerno mula sa mga tunay na nagta-trabaho.

Hilig na hilig kasi ng nasabing sangay ng pamahalaan na ipa-press release ang mga nahuhuli sa NAIA, lalo na mga iligal na droga, tapos ang naka-quote sa istorya ay ‘yung hepe ng sangay na hindi naman talagang mismong nagtrabaho para sa naturang accomplishment.


Sa totoo lang, kaming mga dekada nang nagco-cover sa NAIA ay alam ang totoo. Alam namin kung sino ang talagang nagta-trabaho at kung sino ang umeepal lang.

Kadalasang naaagaw ang kredito pagdating sa mga nasasabat na iligal na droga na trabaho ng Bureau of Customs-NAIA. Nasa ilalim ito ng pamumuno ni Atty. Yasmin Mapa. Ang siste, hindi mahilig umepal si Atty. Mapa.

Ang nangyayari tuloy, laging inuunahan ang BOC-NAIA ng maeepal na taong naka-assign din sa airport, sa pagpapalabas ng press release tungkol sa mga nasasabat ng BOC-NAIA mismo.


Tapos sa dulong bahagi ng press release, ilalagay ang pangalan ng hepe nung ahensiyang umeepal, pati na reaksyon nito sa tagumpay ng operasyon, na para bang akala mo ay sila ang nagtrabaho, gayung ‘turn over’ lang ang papel nila at ito ay dahil lang sa parte ito ng proseso.

Napag-usapan na rin lang ang BOC-NAIA, umabot na pala sa halos P1 bilyon ang halaga ng iligal na drogang nakumpiska nito sa loob lang ng unang tatlong buwan at isang linggo ng taong kasalukuyan.




Mula January hanggang March 2026, nasa ?955.888 million na ito, na nadagdagan ng P21.2-M halaga ng shabu nang matimbog nitong Biyernes Santo ang 62-anyos na pasahero sa Customs Arrival Area ng NAIA Terminal 1 habang dala ang iligal na droga.

Ang dapat papurihan sa pangyayaring ‘yan ay sina Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa, entry processing division chief Dr. Mark Jhon Almase, deputy collector for passenger services Karen Go-Rofes at arrival division chief Belle Copioso, pati na ang mga alertong x-ray monitor personnel.


Ibigay natin ang kredito kung kanino nararapat. Wag Papel Ng Papel.
***
Isang espesyal na pasasalamat kay Ms. Angelica Mendoza, CZ representative, sa kanyang pag-alalay kelan lamang sa dalawang pasaherong nagtungo sa kanilang tanggapan sa NAIA Terminal 3 para mag-confirm ng booking ng kanilang flight sa China Southern Airlines.

Nagpamalas ito ng kabaitan, pasensiya, tiyaga at sipag sa pagsagot sa mga nasabing pasahero at pagtulong sa lahat ng kanilang kailangan at mga kuwestiyon.

Mula sa mga nasabing pasahero, muli, salamat kay Ms. Mendoza.


***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like