Apat na katao ang patay matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang cargo truck sa Antipolo City, sa Rizal kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Antipolo City Police chief P/LTCOL Ryan Manongdo ang mga nasawing biktima na sina Juanito Magsino, 22; Kidrock John Magsino, 21; Lawrence Ivan Jose, 21; at Ireneo Balmonte, 22, na pawang nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Nasa kustodiya naman na ng pulisya ang driver ng cargo truck na si Glen Gumban, na hindi nasaktan sa pangyayari.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa tapat ng isang gasolinahan sa Marcos Highway, sa Barangay Mayamot, Antipolo City.
Sakay umano ang mga biktima ng isang Honda Civic, na minamaneho ni Juanito, nang bigla na lang itong sumalpok sa likurang bahagi ng isang Isuzu Wingvan truck, na minamaneho naman ni Gumban.
Ani Manongdo, parehong nasa ikalawang linya ng kalsada ang dalawang sasakyan at patungo sa direksiyon ng Sta. Lucia Grand Mall nang maganap ang banggaan.
Sinasabing mabilis ang takbo ng kotse nang maganap ang aksidente ngunit masusi pa itong iniimbestigahan ng pulisya.














