Korte sa Cavite at Batangas, sinuspinde dahil sa smog

By: Jaymel Manuel

Sinuspinde pansamantala ng Supreme Court (SC) ang operasyon ng mga korte sa Cavite at Batangas kasunod ng ‘smog’ na bunsod ng aktibidad ng Bulkang Taal.

Nabatid na alas-12 ng tanghali naging epektibo ang pagsuspinde sa operasyon ng korte partikular na sa Trece Martires City, General Trias City at Tanza sa Cavite habang sa Batangas,kabilang sa sinuspinde ang operasyon ng Taal Regional Trial Court Branch 86, 7th Municipal Circuit Trial Court (MCTC) sa San Nicolas at 3rd MCTC sa Alitagtag.

Gayundin, ang RTC Branch 5 Lemery, Batangas, 6th MCTC Lemery-Agoncillo, Lemery, Batanga at MTC San Luis, Batangas ay suspindido na ang operasyon.


Nabatid na nagbigay ng babala sa publiko ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) matapos na ma-detect ang volcanic smog (vog) sa Taal Volcano.

Sa nakalipas na 24 oras hanggang alas-5 ng umaga nitong Biyernes ay nakita ang presensiya ng vog at nakapagtala ng limang volcanic tremors na hanggang 20 minuto hanggang 575 minuto ang tagal, dahilan para ilagay sa mataas na alerto ang Taal Volcano.


Naobserbahan rin ang paglabas ng hot volcanic fluid sa main crater lake, dahilan para tumaas ng 2,400 metro ang ibinugang usok sa direksiyon ng west-southwest at southwest.

Umabot namam sa 4,569 tonelada kada araw ang ibinubugang volcanic sulfur dioxide (SO2) gas mula sa Taal Main Crater.


Tags: Supreme Court (SC)

You May Also Like

Most Read