Korean singer-actor Lee Ji Han nasawi sa Itaewon Halloween crowd crush

ISA si South Korean singer-actor Lee Ji Han sa nasawi sa trahedya sa Itaewon Halloween crowd crush sa Seoul, South Korea.

Kinumpirma ng 935 Entertainment, ang pagpanaw ng 24-anyos actor-singer sa isang pahayag noong Linggo ng gabi.

“Ang aktor na si Lee Ji Han, na parang bahagi ng aming mahalagang pamilya, ay naging isang bituin sa langit at iniwan kami,” ayon sa agency ng actor-singer.


Ipinaabot din ng ahensya ang pakikiramay nito sa naulilang pamilya at mga mahal sa buhay ni Lee.

Nagkaroon si Lee ng unang break sa South Korean entertainment industry bilang contestant sa ikalawang season ng reality talent competition na “Produce 101” noong 2017, at kalaunan ay nag-debut bilang isang aktor sa 2019 web series na “Today Was Another Nam Hyun Day.”


Hindi bababa sa 153 katao, karamihan ay mga teenager at mga taong nasa edad 20, ang napatay sa isang Halloween crowd crush sa sikat na distrito ng Itaewon noong Sabado, Oktubre 29.

Idineklara ni South Korean President Yoon Suk-yeol ang panahon ng pambansang pagluluksa matapos ang kakila-kilabot na insidente na tinawag niyang, “isang trahedya at kalamidad na hindi dapat mangyari.”


Ito ang unang pagdiriwang ng Halloween sa Seoul sa loob ng tatlong taon matapos alisin ng bansa kamakailan ang mga paghihigpit sa COVID-19.

Tags: Lee Ji Han

You May Also Like

Most Read