Nakipagtalakayan si Senador Erwin Tulfo kay Korean Ambassador Lee Sang-hwa patungkol sa kanyang mga adbokasiya bilang mambabatas.
“Masaya po tayo na suportado niya ang ating mga pinaglalaban tulad ng pagsasawata ng mga abuso sa pagbubuwis sa bansa,” anang Senador.
Ani Sen. Erwin, nakakuha rin siya ng mga ideya mula sa Ambassador patungkol sa pagpapalakas ng turismo sa bansa.
“Alam naman po natin na dinudumog ng turista ang South Korea,” aniya.
Na-highlight din umano ni Ambassador Lee sa kanilang pag-uusap na tama ang panawagan ni Sen. Erwin para sa ‘accessible airfare’ at direct flights sa mga probinsya.
Tiniyak din ng Senador kay Amb. Lee Sang-hwa na bukas ang kanyang Extension Office sa Palawan para sa mga Koreans na naroon, kung sakaling mangailangan sila.
Samantala, inihayag ni Sen. Erwin na matapos ang apat na araw na pagpupulong ay natapos na din ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon ng panukalang badyet para sa 2026.
Sa ginanap na diskusyon ay nilinaw ni Sen. Erwin na walang pork barrel na isiningit ang Senado at binigyang-diin din niya ang paglimita sa paggamit ng unprogrammed appropriations sa susunod na taon upang hindi na maulit ang pag-abuso rito gaya ng nangyari sa isyu ng flood control.
“Inabot man po tayo ng madaling araw, mga idol, ang importante po ay naplantsa na natin ang 2026 General Appropriations Bill. Patuloy po natin itong tututukan hangga’t ito ay maging ganap nang batas,” ani Sen. Erwin na nag-post na natapos ang bicam ng 2:22 a.m. na.














