Latest News

KOMPREHENSIBONG PAGSUSURI NG PAGPAPATUPAD NG JUVENILE LAW, SUSURIIN NG KOMITE NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

ISANG komprehensibong pagsusuri ng pagpapatupad ng Republic Act 9344, o ang “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” ang nakatakdang isagawa ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo bilang chairman nito.

Ito ay kasunod ng mga sunod-sunod na high-profile cases na kinasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang insidente ng pamamaril sa Tacloban at mga kaso ng pananaksak sa Negros Occidental at lalawigan ng Cavite.


“Paulit-ulit ko nang binibigyang-babala ang publiko rito dahil sa totoong buhay, napakalaki at napakalinaw ng mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas na ito,” ani Tulfo.

Binigyang-diin pa niya na ang naturang pagsusuri ay matagal na niyang isinusulong bago pa man siya pumasok sa gobyerno.

“Bago pa man ako maging Senador, nasaksihan ko na ang mabigat na realidad ng batas na ito. Sa loob ng maraming taon, dinadagsa ang programa ko ng mga pamilyang nawalan ng pag-asa matapos mabiktima ng mga menor de edad, dahil na rin sa kawalan ng pangil ng pagpapatupad ng Juvenile Law,” ani Tulfo.


Matatandaan na noong 2019, hayagang pinuna ni Tulfo ang pagpapatupad ng naturang batas, partikular ang kakulangan sa pondo para sa pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa Centers, kasabay ng pagkwestiyon sa pagiging epektibo ng kasalukuyang edad ng criminal liability. Lalo pa umanong tumibay ang paninindigan niyang ito nang maging Kalihim siya ng DSWD, kung saan personal niyang nasaksihan ang problema sa sistema.

Ngayong nasa Senado na siya, gagamitin umano ni Tulfo ang mandato ng kanyang komite upang isaayos ito. Tututukan ng komite ang kakulangan ng mga functional na pasilidad ng Bahay Pag-asa, ang epekto ng mga intervention programs para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR) at ang pagpapatupad ng mahigpit na pananagutan sa mga magulang.




Muli rin umanong bubuklatin ng komite ang mga kontrobersyal na probisyon ng batas, partikular ang itinakdang edad para sa criminal liability.

“Angkop pa ba ang edad ng criminal liability sa panahon ngayon? Napapanagot ba nang maayos ang mga magulang ng mga CICL na ito? Mayroon ba talagang maayos na rehabilitation facilities na gumagana sa kasalukuyan?” tanong ni Sen. Erwin Tulfo.


Nilinaw din ni Tulfo na ang layunin ng komite ay ayusin ang sirang sistema upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima habang ginagabayan sa tamang rehabilitasyon ang mga menor de edad.

“Hihimayin natin ang bawat anggulo ng batas na ito, walang palalagpasin. Kasalukuyan nating kinukuha ang pananaw ng mga eksperto sa batas, mga law enforcers, social welfare groups, simbahan, mga medical professionals at maging ang mga magulang. Kailangan nating ilatag ang lahat ng panig para maisaayos na ‘yung mga probisyon at lalo na ang implementasyon ng nasabing batas,” ani Sen. Erwin.



Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like