By: JANTZEN ALVIN
Hiniling ng Supreme Court ang komento ng Senado hinggil sa petisyong inihain ni suspended Bamban Mayor Alice Guo laban dito.
Sa petisyong inihain ni Guo, hinihiling nito na ipawalang-saysay ng mataas na hukuman ang subpoena na inisyu laban sa kanya ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Bukod diyan ay umaapela rin si Guo sa mataas na hukuman na mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) and/or preliminary writ of injunction na magbabawal o magpapatigil sa naturang Senate Committee upang imbitahin siya bilang resource person sa mga pagdinig na isinasagawa nito, gayundin ang pag-iimbestiga sa kanyang personal at pribadong buhay.
Umaksyon sa idinaos na sesyon ang Supreme Court En Banc kahapon, kung saan inatasan nito ang Senate Committee na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw lamang, mula sa petsa nang pagkatanggap ng kautusan.
Nag-atas din ang Korte Suprema sa Office of the Clerk of Court En Banc na personal na ihain ang resolusyon ng hukuman sa Senado, na siya ring personal na maghahain at magsisilbi ng kanilang komento sa petisyon ni Guo.