By: JANTZEN ALVIN
HINIHINGAN ng Supreme Court En Banc ang House of Representative at Department of Finance (DOF) ng komento kaugnay sa kinuwestiyon na paglilipat ng “excess fund” ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) patungong national Treasury.
Binigyan ng SC En Banc ng 10 araw ang House of Representatives, na kinakatawan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez; Senate of the Republic of the Philippines na kinakatawan ni Senate President Francis Chiz Escudero; Executive Secretary Lucas Bersamin; PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr. at DOF para isumite ang kanilang komento sa isyu.
Una nang kinuwestiyon ng mga petitioner sa pangunguna ni Aquilino Pimentel III, ang Section 1(d) of XLIII of the General Appropriations Act 2024 at ang Department of Finance Circular 003-2023, na pumapayag sa paglalagay sa “excess reserve funds” ng government-owned and controlled corporations
(GOCCs) sa national treasury para mapondohan ang mga hindi naka-programang appropriations.
Hiniling din ng petitioners na mag-isyu ang SC ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction para mapigilan ang paglilipat ng pondo mula PhilHealth papunta sa National Treasury.
Napag-alaman na noong Mayo 2024 ay nailipat ang P20 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury.
Kaugnay niyan ay inoobliga rin ng SC ang Office of the Clerk of Court En Banc na personal na isilbi sa mga respondents ang resolusyon, kung saan inaatasan rin ang respondents na personal na ihain ang kani-kanilang komento.














