Nais ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na ipagpatuloy ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pag-kolekta ng premium payments na gagamiting pambayad sa mga hindi nabayarang ‘hospital claims’ na aabot sa P27 bilyon.
Ito ay sa kabila nang pumalo sa P100 bilyon ang kinita ng PhilHealth noong 2022.
“Iyon ang source naman ng pambayad eh. So, to me, tuloy yung premium. Pero dapat mas mabilis yung bayad kasi mas marami ng pera,”ani Herbosa.
Naniniwala si Herbosa na mababayaran ng PhilHealth ang utang sa mga ospital sa loob ng 90 araw.
Ang pahayag ay ginawa ni Herbosa bilang reaksiyon sa suhestiyon ni Marikina Rep. at House appropriations panel vice chairperson Stella Luz Quimbo sa ginanap na hearing ng kongreso kaugnay sa plano na suspendihin pansamantala ang pangongolekta ng premium contributions dahil kumita ng humigit-kumulang na P100.bilyon ang PhilHealth noong 2022.pero ang benefit packages ay hindi nag-match sa private health maintenance organizations (HMO).
Nabatid kay Quimbo na ang isang ordinaryong nurse ay may kontribusyon na aabot sa P24, 000 kada taon nang hindi tumatanggap ng tamang health plan mula sa PhilHealth kumpara sa mga pribadong medical insurance company gaya ng MediCard.
Bilang tugon naman ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, maari aniya nilang bawasan ang premium o kaya ay itaas ang benepisyo ng PhilHealth.














