Ni Itchie G. Cabayan
SUSPENDIDO ang trabaho at klase sa buong Maynila sa Pista ng Itim na Poong Nazareno sa Enero 9, 2026.
Ang suspensiyon ay nakapaloob sa Executive Order No. 1, Series of 2026 ng pamahalaang-lokal kung saan ang mga opisina at klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan ay suspendido sa nasabing petsa.
Layunin umano nito na bigyan ang mga deboto ng pagkakataon upang lubusang makalahok sa taunang Traslacion.
Ang public services, traffic enforcement, disaster risk reduction at health services ay magpapatuloy pa rin sa operasyon sa naturang araw.
Ang desisyon naman sa pagsuspinde sa trabaho ng mga empleyado ng national government at pribadong kumpanya sa Maynila ay ipinauubaya na sa kani-kaniyang management.
Samantala, gaya ng nakagawian na taon-taon ay ipatutupad ang liquor ban sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church at sa ruta mismo ng ‘Traslacion.’
Bawal din sa lungsod ang paggawa, pagbebenta at pagpapakalat ng firecrackers at pyrotechnic devices mula Enero 8 hanggang 9, 2026.














