Latest News

KITA SA SMUGGLED CIGARETTES, GINAGAMIT PARA PONDOHAN ANG TERORISMO?

By: Victor Baldemor Ruiz

Pinopondohan umano ng kita mula sa smuggled na sigarilyo na ang bulto ay nanggagaling Indonesia ang mga aktibidad ng mga armadong grupo sa Mindanao.

Ito ang kinumpirma ng isang kilalang regional security expert sa ginanap na forum sa Makati City na dinaluhan ng matataas na pinuno ng government security agencies.


Ibinunyag ni Professor Rohan Gunaratna ng Nanyang Technological University sa Singapore sa nakaraang forum na ginagamit ang multi -million na kita mula sa puslit na sigarilyo mula Indonesia para sa operasyon ng mga terorista at rebolusyonaryong grupo sa Mindanao.

Sinabi pa ni Gunaratna, founder ng International Centre for Political Violence and Terrorism Research sa Singapore, na kabilang ang Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa mga grupong nakikinabang sa cigarette smuggling sa Mindanao.

Tinalakay ni Gunaratna ang koneksyon ng terorismo at cigarette smuggling sa forum na pinamagatang “Terrorism-Illicit Trade Nexus: A National Security Threat” sa PROTECT 2024 Conference na ginanap sa New World Hotel sa Makati City kamakailan .


Kabilang din sa mga tinalakay ang mga kasalukuyang geopolitical risks, violent extremism, climate change, cybersecurity at iba pang disruptive technologies.

Dumalo sa komperensya sina National Security Adviser Eduardo M. Año at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawne, Jr., kasama ang mga kinatawan mula sa Embahada ng Indonesia sa Maynila.


Dagdag pa ni Gunaratna, ang Indonesia ay isang pangunahing mapagkukunan para sa mga puslit na sigarilyong pumapasok sa bansa at at milyun-milyong kita ang nawawala sa Pilipinas dahil sa pagpupuslit ng sigarilyo ng mga grupong hindi kinikilala ng gobyerno.

Binanggit ni Gunaratna ang datos ng kalakalan mula sa Indonesia na nagpapakita na umabot ang export ng sigarilyo nito sa Pilipinas sa $137 milyon o halos P8 billion noong 2021. Ang export na ito ay hindi makikita sa datos ng import ng Pilipinas.


Ang mga brand na dumating sa Pilipinas ay hindi din umano rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at wala ring graphic health warnings, tax stamps at iba pang kinakailangang markings, ani Gunaratna.

Inilantad ang mga karaniwang puslit na brand ng sigarilyo na kinabibilangan ng Gudang Baru, Oakley, Souvenir, Cannon, Bravo, New Berlin, Fort at Astro. Kasama ang mga brand na ito sa mga nakumpiska ng mga awtoridad sa Mindanao at lantaran din umano itong ibinebenta sa mga tindahan kahit walang record ng import o pagbabayad ng buwis.

Sinabi ni Gunaratna na ang mga iligal na sigarilyo ay pumapasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga daungan sa Palawan, Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi. Milyon-milyong pisong halaga ng mga produkto ang nakumpiska sa mga daungan nito mula 2021 hanggang 2023.



Aniya, ang paglitaw ng mga pribadong daungan, partikular sa Mindanao, ay tumutulong sa transportasyon ng mga puslit na produkto at hanggang hindi namo-monitor at kontrolado ang mga port na ito ay magpapatuloy ang smuggling, dagdag pa niya.

Ayon pa kay Gunaratna, matatagpuan sa mga lugar na ito ang kuta ng ASG at MNLF na gumastos ng milyon-milyon sa pagpupuslit ng sigarilyo upang pondohan ang kanilang mga aktibidad. Sinabi ni Gunaratna na ginagamit din ng mga grupong ito ang tubo mula sa smuggling para makakuha ng impluwensya sa politika.

Ang illicit trade aniya ay nagpapasigla sa mga grupo ng terorista sa Pilipinas.

Pinayuhan niya ang pamahalaan na makipagtulungan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at tiyakin ang kooperasyon sa pagitan ng AFP at PNP para pahinain ang mga ilegal na grupo na sangkot sa pagpupuslit ng sigarilyo.

Itinatayang halos $3 bilyon ang nawawala ng mga bansa ng ASEAN mula sa mga ilegal na produkto ng tabako, ayon sa isang ulat noong 2017 ng Transnational Alliance to Combat Illicit Trade (TRACIT) at ng EU-ASEAN Business Council.

Sa Pilipinas, itinatayang nawawalan ang gobyerno ng P100 bilyon or $1.9 bilyon kada taon dahil sa pagpupuslit na sigarilyo.

Tags: Moro National Liberation Front (MNLF)

You May Also Like