ANG KimPau (Kim Chiu at Paulo Avelino) at BarDa (Barbie Forteza at David Licauco) ay dalawang tambalan na pararangalan bilang German Moreno Power Tandem Award sa idaraos na 38th PMPC Star Awards for Television sa March 23, 2025.
Ihahatid ito ng Airtime Marketing ni Miss Tess Celestino-Howard at mula sa direksyon ni Eric Quizon.
Kasabay nito, sa pamumuno ni PMPC 2025 president Mell Navarro at overall chairman Rodel Fernando, inilabas na rin ang kumpletong listahan ng mga nominado sa iba’t ibang kategorya na nagpakita ng natatanging husay sa pagganap sa telebisyon.
Iniluklok bilang Hall of Fame Awardee sa pagwawagi ng 15 beses o mahigit pa ang documentary program na I-Witness ng GMA7.
Sa parangal na ito, kahilera na ng I Witness bilang Hall of Fame ang Eat Bulaga, ASAP, Maalaala Mo Kaya, Bubble Gang, at si Boy Abunda.
Samantala, ang mahusay at beteranang aktres na si Janice de Belen na nakilala at sumikat sa pagganap bilang Flordeluna noong siya ay batang aktres pa lang, ang gagawaran ng pagkilala bilang Ading Fernando Lifetime Achievement Award.
Hindi na matatawaran ang mga nagawang pelikula at teleserye ni Janice bilang isang mahusay na aktres.
Gayundin, si Julius Babao na nagsimulang maging TV anchor sa Bandila sa ABS-CBN ay masuwerteng nakatawid sa TV5 nang mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN ay male broadcaster ng Frontline Pilipinas.
Si Julius ay gagawaran ng pagkilala bilang Excellence in Broadcasting Lifetime Achievement Award.
Ang cut off sa pagpili ng mga nominado ay isinagawa mula Enero hanggang Disyembre ng 2024.
Samantala, noong Enero 28, 2025 ay nanumpa na sa kanilang tungkulin ang mga bagong halal na opisyales ng PMPC Star Awards, Inc. sa Adriatico Arms Hotel sa J. Nakpil, Malate, Manila.
Si Mell Navarro ang newly-elected PMPC president habang ang iba pang bagong opisyal na nanumpa sa tungkulin ay sina Fernan de Guzman, vice president; Jimi Escala, secretary; Mildred Bacud, asst. secretary; Boy Romero, treasurer; John Fontanilla, asst. treasurer; Rodel Fernando, auditor; Eric Borromeo at Blessie Cirera bilang mga PRO .
Nanumpa rin ang bagong Board of Directors na sina Roldan Castro, Evelyn Diao, Leony Garcia, Rommel Gonzales, Rommel Placente, at Francis Simeon.
Kinikilala ang PMPC Star Awards, Inc. bilang pinakamatagal na samahan ng showbiz media (entertainment editors, mga kolumnista, bloggers, TV and radio hosts), mula nung itinatag ang organisasyon noong 1960’s.