KINUKONSIDERANG lutas na ang kaso ng pinagnakawan at pinaslang na dentistang mahilig mag-‘flex’ ng sangkatutak na alahas sa katawan, nang kumanta ang isa sa mga suspek matapos umanong makonsensiya ito at sumuko sa mga awtoridad sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ayon sa Mindoro Oriental Provincial Police Office, dalawang menor de edad at isang 21-anyos ang hawak nila ngayon na iniu-ugnay sa pagpatay kay Barangay San Antonio Central Kagawad Dr. Agustin “Doc Ting” Bolor ng Calapan City.
Magugunitang si Bolor ay natagpuang wala nang buhay sa kanyang kama noong Enero 15 ng umaga na tinatayang nagtamo ng may 50 saksak.
Sa ibinahaging report ng Oriental Mindoro Police, isinuko ng kanyang kapatid ang 16-anyos na supek mula sa Barangay Guinobatan. sa isang kakilalang piskal.
Sa isinagawang follow-up investigation ay itinuro nito ang kanyang mga kasamahan at nabawi sa kanya ang ang 25 piraso ng mga alahas na pagmamay-ari ng biktima.
Sinasabing nagsilbi lamang umanong ‘lookout’ ang binatilyo habang nasa loob naman ang kanyang dalawang kasamahan na isa rito ay 16-anyos din.
Itinuro ng naturang sumukong suspek ang kanyang kasamahan na taga-Barangay San Antonio, kung saan nakuha ang cellphone ng biktima.
Kapwa itinuro ng dalawa ang ikatlong suspek na 21- anyos at ito ay naaresto sa Barangay Balite.
Inaalam ngayon kung nasa impluwensiya ng droga ang mga suspek nang isinagawa ang krimen.
Itinatayang nasa 5-milyong pisong halaga ng mga alahas ang natangay ng mga suspek kay Dr. Ting na madalas mag-viral sa social media dahil sa napakaraming suot na alahas.