Latest News

Kilalanin ang karapatan, kahalagahan ng mga katutubo

Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na kilalanin at pasalamatan ang mga katutubo hindi lamang sa Pilipinas, kun’di maging sa buong mundo.

Ito ang paanyaya ng Obispo mula sa kanyang pagninilay sa paggunita sa Indigenous Peoples’ Sunday at pagtatapos ng Season of Creation sa bansa.

Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Office on Stewardship na ang mga katutubo ang mga unang tagapagbantay at tagapangalaga ng kalikasan kaya’t marapat lamang na sila ay bigyang-halaga dahil sa kanilang mahalagang tungkulin.

“Marami tayong matututunan sa kanila kung paano makipag-ugnay sa ating kapaligiran. Kilalanin natin ang kanilang karapatan sa kanilang ninunong lupain,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.

Ibinahagi ng Obispo na marami ring mga katutubo ang naninirahan sa Palawan kaya’t makikita sa lalawigan ang kanilang malaking ambag sa pagpapanatiling maayos ng mga likas na yaman.

Batid ni Bishop Pabillo na kasabay ng tungkuling pangalagaan ang kalikasan, kinakaharap ng mga katutubo ang pagsubok tulad ng pagbabanta at pananakot na paalisin sa kanilang mga lupaing ninuno upang maging minahan at iba pang mapaminsalang proyekto.

“Huwag natin silang isantabi. Pahalagahan at ipagtanggol natin sila at ang kanilang kultura,” dagdag ng Obispo.

Ipinagdiriwang tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre, ang Indigenous Peoples’ Sunday ay paggunita sa mahalagang tungkulin ng mga katutubo sa pangangalaga ng ating nag-iisang tahanan, at hudyat na rin ng pagtatapos ng pagdiriwang ng simbahan sa bansa sa Season of Creation. (Jaymel Manuel)

Tags: ,

You May Also Like

Most Read