Nasawi ang isang 24-anyos na lalaki matapos pasukin at pagbabarilin habang natutulog sa loob ng kanilang bahay ng isang di nakikilalang gunman, kahapon ng umaga sa Baseco Compound ,Port Area, Maynila. Siya ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t -ibang bahagi ng katawan.
Namatay noon din ang biktimang si Marco Polo Aquino,residente ng No.478 Blk.1Gasangan,Baseco Compound,Port Area at ayon sa imbestigasyon ni PCpl.Jamie Balang ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas-8 ng umaga sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Kasalukuyan umanong natutulog ang biktima at mga kaanak nito nang pumasok sa loob ng bahay ang gunman at nang makita ang biktima ay pinagbabaril ito habang nagsilbing lookout ang dalawang kasama nito sa.labas ng gate ng bahay.
Walang ibang miyembro ng pamilya ang idinamay ng mga suspek at kaagad itong tumakas nang matiyak na napuruhan ang biktima. Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala at isang live ammunition.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa iligal na droga ang motibo ng pagpaslang sa biktima. (Carl Angelo)














