Patay ang isang lalaki nang barilin ng di kilalang salarin habang naglalakad pauwi sa Antipolo City sa Rizal kamakalawa.
Isang tama ng bala sa leeg ang ikinamatay ng biktimang nakilala lamang na si Bernardino Condes Lincopines, residente ng Brgy. San Jose.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na naglalakad pauwi ang biktima sa naturang lugar nang bigla na lang sumulpot ang salarin.
Kaagad umanong bumunot ng isang kalibre .45 na pistola ang salarin at pinaputukan ang biktima, na tinamaan sa leeg.
Nang makitang humandusay ang target ay mabilis na itong tumakas palayo sa lugar.
Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at mapanagot ito sa krimen.














