KAYA NG HEALTH SYSTEM TUGUNAN ANG MGA KASO NG LEPTOSPIROSIS

By: Philip Reyes

KAYA umanong tugunan ng “health system” ng bansa ang tumataas na bilang ng kaso ng leptospirosis. Napag-alamang mula Hulyo 1-27 ay umabot na sa 1,400 ang naitalang kaso ng nasabing sakit.

Ito ang tiniyak ng Department of Health (DOH) kasabay ng pahayag na nakapag-establish na rin ang DOH ng hotline para sa kaso ng leptospirosis sa bansa.


“Mayroon tayong hotline na ipinalabas kahapon: landline (02) 8531-0037; mobile number 0920-283-2758. ‘Yan ang cellphone number na pwedeng tawagan ng mga doktor at mga pasyenteng may leptospirosis. Parang noong panahon ng COVID, para malaman saan may bakanteng kama,” anang DOH.

Samantala,nagpadala na ang DOH ng karagdagang 10 doktor at 20 nurse sa NKTI matapos na mag-request ito ng karagdagang manpower.

“Sa usaping health system, supply and demand ‘yan. Hindi kulang ang supply kung ang pag-uusapan ay buong Metro Manila dahil marami tayong ospital. Pero nagkataon na ang mga pasyente ay minabuting pumunta ng NKTI kaya mukhang nagkukulang sa ospital na ‘yun,” paliwanag ng DOH .


Wala umanong kakulangan sa doktor at nurse kaya lamang ay nasa ibang ospital ang mga ito.

Mas mainam umano na i-divert ang mga pasyente sa ibang ospital kung saan may mga doktor at nurse.


Pinayuhan naman ng DOH ang publiko na lumulusong sa baha na kapag nakaramdam ng sintomas ay kaagad na.mag-pakonsulta sa doktor.

“Hindi lang NKTI at San Lazaro Hospital ang ospital sa Metro Manila. Ang tawag po diyan ay health system. Mayroon tayong isang malaking health system na maraming ospital. Isa na doon yung NKTI of course, San Lazaro. Pero nandiyan ‘yung East Avenue Medical Center, nandyan yung Philippine Heart Center, Philippine Orthopedic Center and the list goes on,” anang DOH.


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like